Mga napulot ko sa aking pagala-gala... (Picked up from my wandering about...)

Monday, May 12, 2008

Pansit at Tagumpay

Monday May 12, 2008
11:00 am

Hindi ako mahilig maghanda. Palagi akong naprapraning tuwing ako'y may bisita ngunit naisipan kong mag-imbita ng aking mga kaibigan dito para sa aking kaarawan noong nakaraang araw at para narin makita nila ang aking tirahan at matikman nila ang lutong pinoy.

Balak kong gumawa ng pansit bihon. Alas-kwatro ang oras na tinakda ko para sa pagdating ng aking mga bisita. Nagsimba ako nung umaga at namalengke para sa aking ihahanda.

Pagdating ng alas-tres, luto na ang pansit ngunit palpak ito para sa akin dahil nasobrahan ata ang pagluto o pagbabad sa bihon! Nagkadikit-dikit tuloy at wala na kong magagawa para ayusin pa sya. Ayan, napraning na naman ako. Nakakainis! Bakit nga ba kasi ako nag-imbita!

Buti nalang, naisipan ko kaagad gumawa ng isa pang putahe. Agad-agad kong iniluto yung ibinaon kong Century Tuna at yung Century Bangus na 'spanish-style' at pagkatapos nagluto naman ako ng spaghetti.

Pagdating ng unang bisita (mga alas-kwatro imedya), luto na ang pagkain, nakapaglinis pa ako at nakapag palit ng damit.

Nagustuhan naman ng aking mga bisita (siyam ang nakapunta) ang parehong putahe kaya syempre natuwa naman ako. Hay salamat. Di naman ako masyadong bilib sa aking sarili, siguro medyo napagaan lang ang loob ko. Sa susunod susubukan ko nang iwasto ang pagluto ng pansit.

Nagustuhan naman nila. Nakakatawa ako tuwing may bisita. Siguro kung nandito yung mga kaibigan kong Pilipino o kaya ang aking pamilya, tiyak na aasarin nila ako dahil sobrang bibbo ko o 'excited'! Masaya naman...kaya sana maulit.

No comments: